Huwebes, Abril 28, 2011

Best Wishes

Bukas na ang super engrandeng kasal nina Prince William at Kate Middleton. Woohoo! Masaya ako para sa kanilang dalawa. Sayang hindi ako makakadalo sa kasal nila. Paano, hindi naman ako imbitado. Haha.

Speaking of Prince William, ano kaya ang pakiramdam na isa kang prinsipe? Na pinanganak kang may dugong bughaw? Na ang pamilya mo ay ang pinakamataas sa bansa ninyo? Na mayroon kang buhay na marangya? Na tinitingala at ginagalang ka ng iyong mga kababayan, pati na rin ng mga tao sa ibang mga bansa? Na more than one ang bilang ng banyo ninyo sa bahay? Gusto ko rin maging dugong bughaw!

Pero minsan, iniisip ko, ano kaya ang pakiramdam na napapaligiran ka ng mga bodyguard/security sa tuwing lalabas ka ng bahay ninyo? Na sa tuwing lalabas ka ng bahay ninyo eh nasisilaw ka dahil sa flash ng mga kamera? Na minamatyagan ang bawa't galaw mo? Na sinusundan ka ng mga paparazzi kahit saan ka man magpunta? Na konting salita o kilos mo lang ay nagiging malaking balita na sa bansa? Na parang mas alam pa ng mga tsismoso't tsismosa ang buhay mo kaysa sa iyo?

Ang hirap din maging royal.

Pero alam kong kaya ni Miss Kate Middleton na maging isa.

Best Wishes and God bless sa kanila! :)

Biyernes, Abril 22, 2011

Pasyal

Isa sa mga gusto kong puntahang bansa ay ang Italy. Tingin ko kasi, pagtapak ko doon, mawawala ang mga problema't stress ko sa buhay at mapapalitan ng feeling ng pagiging in love. Kapag pumunta ako sa Italy, iinom ako ng kape sa mga cafe doon, mamimili ng wine at spices sa palengke, tapos manghahabol at magpapakain ng mga pigeon dun sa parke. Yehey.

Pero 'di ba, sabi nga, bago ka mamasyal sa ibang bansa eh puntahan mo muna 'yung mga lugar sa sarili mong bansa. Iyan na nga 'yung nakakalungkot diyan eh. Kung bibigyan ng pagkakataong makapasyal nang libre, sigurado akong marami sa mga Pilipino ang mas gustong mamasyal sa Amerika, Hong Kong, Italy, France, o Hawaii kaysa sa Ilocos, Cebu, Davao, Bataan, o Iloilo. Siguro dahil sawa na ang iba sa Pilipinas. Sawa na sa init na panahon, sa polusyon, sa korupsyon, sa mga may topak na pulitiko, at sa mga blind item ni 'Nay Cristy.

Sa kabila ng mga patung-patong na problema sa bansa, buo pa rin ang paniniwala kong magandang bansa ang Pilipinas. Perpekto ang klima--hindi masyadong malamig, hindi rin masyadong mainit. Tropical, 'ika nga. Marami ring puno, mas marami nang 'di hamak sa ibang mayayamang bansa. Mababait at marespeto din ang mga tao (o sige, karamihan sa mga tao haha). Alam kong gasgas na ang mga dahilang ito. Pambatang mga rason. Pero anong magagawa ko, totoo naman ang mga ito.

Isa sa mga gusto kong puntahang bansa ay ang Pilipinas. Tingin ko kasi, pagtapak ko doon, mawawala ang mga problema't stress ko sa buhay at mapapalitan ng feeling ng pagiging in love.

Sabado, Abril 16, 2011

Sablay

Graduation kanina sa college ko. Congrats sa mga graduates! :)

Ok, aaminin ko, naiinggit ako. Sobra. Dapat kasama ako sa mga grumadweyt kanina. Pero hindi eh. Delayed kasi ako.

Na-delay ang pag-graduate ko nang dahil sa isang major subject na nabagsak ko noong third year ako. Halos mabaliw ako noon. Parang gumuho ang mundo ko, ang mga pangarap ko. Ang drama eh. Pero totoo. Nainis ako sa titser ko at sa sarili ko. Sa titser ko dahil hindi siya magaling magturo. (Actually, hindi siya nagturo. Argh. Pero napatawad ko na siya. Haha.) At sa sarili ko dahil sooobrang nagpakatamad ako noon. As in pag-uwi ko sa bahay, kakain ako, manonood ng tv, tapos matutulog. Gusto kong upakan sarili ko noon. Grabe lang.

Siyempre, nagbago na ako pagkatapos niyan. Nag-aaral na uli akong mabuti at mas inuuna ito kaysa sa panonood ng Mara Clara o pagfe-Facebook. Ayoko nang biguing muli ang mga magulang ko. Ayoko na maging sakit ng ulo sa kanila. Gustung-gusto ko nang grumadweyt para makatulong! At para masunod na ang mga luho ko. Nyaha.

SOBRANG dami kong natutunan sa pagka-delayed ko. At patuloy pa akong natututo. Sabi nga ng isa kong prof noon, hindi pa katapusan ng mundo kung hindi ka gagraduate on time. Oo nga naman. Kaya ang ginawa ko pagkatapos kong mabagsak ang major ko? Nagmove on agad ako. Mas sinipagan ko pa ang pag-aaral ko. Sinabi ko sa sarili ko na hindi na ako pwedeng bumagsak pa, na hindi na ako pwedeng maging issang delingkwenteng estudyante.

Hindi ko sinasabing ayos lang ma-delay. SIYEMPRE HINDI OK 'YUN! Madagdagan ba naman 'yung mga taon mo sa kolehiyo, 'di ba ang bad trip nun! Ang sinasabi ko lang, huwag mawalan ng pag-asa sakali mang hindi ka maka-gradweyt on time. I-maximize mo 'yung ekstrang taong nadagdag sa iyo. Gawin mo itong advantage. Patunayan mo sa buong mundo na kaya mong bumangon sa pagkakadapa. At sa iyong pagbangon, doblehin o triplehin mo ang iyong efforts sa pag-aaral.

Next year pa ako ga-graduate. Lord, tulungan po Ninyo ako sa mga susunod kong majors. Amen. :)

Martes, Abril 12, 2011

Paano kaya kumuha ng NBI clearance?

Dahil gusto kong makatulong ang blog ko (oo, may ganyan), ikukuwento ko kung paano ako kumuha ng NBI clearance.

Nu'ng nalaman kong kailangan kong kumuha nito para sa OJT ko, kinabahan ako. Hoy, hindi ako kriminal ha. Kinabahan ako dahil HINDI AKO MARUNONG kumuha ng mga form-form na 'yan! As in, eengut-engot ako sa mga ganyan. Natakot ako na baka maligaw ako, magmukhang tanga, pumila buong araw, etc. Kaya ang una kong ginawa, nag-search ako sa Internet kung anu-ano ang steps sa pag-apply ng NBI clearance. Una kong pinuntahan siyempre 'yung website ng NBI. Tapos binasa ko rin 'yung mga naging karanasan ng ibang tao na nakalagay sa blog nila. Pinanood ko rin sa YouTube 'yung isang episode ng Totoo TV tungkol sa pagkuha ng NBI Clearance. Hindi pa ako nakuntento diyan, nagtanong din ako sa nanay ko, sa tita ko, at sa mga kaklase ko (salamat sa Facebook).

Pinili kong mag-apply sa Quezon City Hall. Buti na lang kukuha rin 'yung kaibigan ko, kaya napagpasyahan naming sabay na lang kami. Ayun, gumising ako nang alas kwatro y media nang madaling-araw. Dumating kami ng kaibigan ko sa QC Hall nang mga 7 am. Whoa! Medyo mahaba na ang pila. Pero tolerable pa naman 'yung haba. Mga 8 o clock na umusad 'yung pila dahil 8 naman talaga 'yung bukas ng office.

So narito ang steps kung paano ako kumuha ng NBI clearance sa QC Hall:

1. Pumila sa Counter 1: Payment. Ito ang counter na may pinakamahahabang pila. Kung walang kasama, maiging magdala ng diyaryo, libro, jackstones, brick game, o kahit anong pwedeng mapaglibangan habang nakapila. 'Wag kalimutang maghanda ng 115 pesos, dahil ito ang essence ng pagpila mo sa counter na ito.

After mo magbayad, bibigyan ka ng ale (o kuya) dun ng resibo at isang form na parang card. I-fill out mo LAHAT ng kailangang i-fill out, ok? Mula sa harap hanggang sa likod ng card, sagutan mo kung gusto mong guminhawa ang buhay mo. Siyanga pala, alam mo na ba kung ano ang height mo? Eh ang weight mo? Kung hindi pa, pwes alamin mo na bago ka kumuha ng NBI clearance, para diri-diretso ka sa pagsagot ng form na ito. Pambihira, dito yata ako natagalan. Haha.


2. Pumunta sa Counter 2 & 3: Data checking and Fingerprinting. Sa counter na ito, may kuyang magchi-check kung nasagutan mo nga lahat ng dapat sagutan sa form. Kung ayos naman, ihanda mo na ang mga kamay mo sa fingerprinting. Akala ko noon, 'yung kanang kamay lang 'yung kailangan. 'Yun pala pati 'yung kaliwa! Eww. Haha. Buti na lang 'kamo, may dala akong tissue at alcohol. Kung wala ka namang dala, 'wag mabahala! May wet tissue na binibenta sa counter na ito. Limang piso lang kada isa.

Kung tapos ka na sa counter 2 & 3...

3. Dumiretso sa Counter 4: Picture Taking. Image Capture yata ang tamang term. Oh well, pareho lang sila. Ito ang paborito kong counter. Buti na lang tatlo lang ang tigyawat ko nu'ng nagpa-picture ako. Basically, ipapakita mo lang 'yung form mo dun sa ale (or baka kuya pag nag-apply ka), uupo ka dun sa monobloc chair, at voila! Nakuhanan ka na ng picture! Yey.

After nito, punta ka na sa...

4. Counter 5: Registration. Maraming counter dito, mga apat yata. Kaya hindi mahahaba ang pila. Dito, ibibigay mo 'yung form mo, tapos ichi-check kung may kapangalan ka o kung may kaso ka o kung ano mang gulo meron ka. Buti na lang wala akong kapangalan. Haha! Kung alam mong may kapangalan ka o may kaso ka, uh, hindi ko alam kung anong dapat mong gawin. Sorry. Search ka na lang uli sa ibang source/blog.

Iaabot mo rin pala 'yung resibo mo. Susulatan ng kuya 'yun sa likod. Parang code 'yung sinulat niya eh. 'Di ko na matandaan.

Kung ayos ka na dito, diretso na sa...

5. Counter 6: Releasing. Yata. Hindi ko na maalala 'yung tamang term. Anyway, ito na ang last counter sa pag-apply ng NBI clearance. Ang gagawin mo dito, ibibigay mo 'yung resibo na sinulatan ni kuya from counter 5. Tapos, i-check mo 'yung cellphone mo kung may nagtext sa'yo (o kung nasa 'yo pa!) at hintayin na tawagin ang pangalan mo. 'Pag tinawag na ang pangalan mo, lumapit ka dun sa window at kunin ang iyong NBI CLEARANCE! Yess!

Bago ka umexit, may fingerprinting uli, pero right thumb na lang. May wet tissues for sale din dito.

Ayan, tapos na! Inabot kami nang mga 2 oras sa pag-aasikaso ng NBI clearance. Ang bilis lang, ano? Yehey.

Tips to live by:
1) Magsuot ng simple at komportableng damit. Huwag nang magsuot ng mga kumikinang na alahas at hindi naman kailangan 'yan sa pag-apply ng NBI clearance.

2) Magdala ng tissue at alcohol. Para ito sa paglinis ng mga kamay mo pagkatapos ng fingerprinting. Well, kung gusto mo namang bumili ng wet tissue, ok lang din. Wala lang, gusto ko lang gawing tip 'yung pagdala ng tissue at alcohol.

3) Pumunta nang maaga! Mga 7 to 7:45 am siguro, kung gusto mong maging maligaya ang buhay mo. Haha. Kung 8 am onwards ka pupunta, bahala ka. Diskarte mo 'yan. Haha.

4) Sa QC Hall, kahit isang valid I.D. lang ang dala mo, ok lang. Maniwala ka sa akin.

5) Magdala ng black pen. Pangsagot sa form.

6) Maging alerto. 'Wag aanga-anga, ha?

7) Magdala ng water and snacks. Nakakagutom din ang pumila, 'no.

8) Wala na akong maisip.


Sana may natutunan ka sa mga pinagsasabi ko. :)

Lunes, Abril 11, 2011

Unang Sabak

Oooh. So ganito pala magkaroon ng isang blog. Natuwa naman ako. At natawa.

Naninibago pa ako. Nangangapa. At natatawa sa pinaggagawa ko ngayon. Ba't ko ba biglang naisipang mag-blog? Hahaha!

Actually, noon ko pa planong gumawa ng isang blog. Hindi lang matuluy-tuloy dahil sobrang busy ako nu'ng may pasok pa--assignments, homeworks (ano nga uli pagkakaiba nila?), short quizzes, long quizzes, projects, papers, reporting, case studies, lab layp, at kung anu-ano pang maaaring pagkabisihan ko noong may pasok pa. At dahil bakasyon na naman ngayon, ayan, gumawa na 'ko ng sarili kong blog. Yehey.

Sinilip ko kung ano itsura ng blog ko. Pambihira, puro libro ang background! Hahaha! Para naman akong nerd niyan. O kaya book critic. Cool!

Nye, bigla akong nagtaka, ba't ganyan ang title ng blog ko? "I am Absolutely not Bored", hahaha! Parang ewan lang. English ang title pero puro Filipino ang magiging blog posts. Oo, hangga't maaari, Filipino ang gagamitin kong wika sa pagsulat ng blog posts. Bakit kamo? Dahil mas komportable ako sa wikang iyon. At mas mae-express (ok, ito na 'yung exception) ko nang mas maayos ang mga gusto kong sabihin.

Well, actually, baka puro taglish ang gawin ko dito. Bahala na.