Lunes, Mayo 30, 2011

Hapi hapi hapi bertdey

Isa sa mga mabababaw na paraan upang malaman kung sinsero ang isang kakilala/kaibigan sa pakikitungo sa iyo ay ang paghintay sa iyong kaarawan. Dahil nabubuhay tayo ngayon sa makabagong panahon kung saan halos lahat ng impormasyon tungkol sa iyo ay mababasa sa Facebook at sa iba pang social networking sites, madali lang para sa mga "friends" ang maalala ang iyong bertdey. Mainam ang ganito, pero para sa akin, mas masarap sa pakiramdam na may mga kaibigan kang hindi nakakalimot at hindi makakalimutan ang iyong kaarawan kahit walang Facebook na nagpapaalala sa kanila ng birthday mo.

Kung gusto mong i-"test" ang iyong mga kakilala't kaibigan, ganito ang gawin mo:
1. Hintayin ang iyong kaarawan.
2. Kung bertdey mo na, ibahin ang account settings mo sa Facebook (o kahit anong social networking site). Itago mo ang iyong birthday sa profile mo. Huwag kang mag-alala, pansamantala mo lang namang itatago ang birthday mo eh.
3. Sit back and relax. Kumain ng birthday cake.
4. Kapag tapos na ang kaarawan mo, bilangin kung ilan ang mga taong bumati sa iyo. Sigurado akong 'di hamak na mas kaunti ang bilang niyan kaysa sa number of friends na babati sa iyo kung sakaling ipinakita mo ang iyong birthday sa Facebook. (Sawa na ako kakasabi ng "o kahit anong social networking site" haha.)

Alam kong walang matibay na basehan ang paraang ito. Mababaw nga, 'di ba? Ang sa akin lang, wala namang masama kung gagawin mo ito. Wala lang, nagsu-suggest lang. Haha. Tingnan mo lang kung sinu-sino kaya ang makakaalala ng birthday mo without Facebook reminding them. 

At kung hindi ka man nabati ng iyong kakilala o kaibigan, hindi naman ibig sabihin nu'n na wala na siyang kwentang kaibigan. Malay mo, sadyang nakalimutan niya lang talaga dahil sa stress o kaya dahil may pinagdadaanan pala siyang problema o kaya naman makakalimutin lang talaga siya. Haha. Huwag sumama ang loob sa mga taong nakalimutan kang batiin sa birthday mo, dahil hindi naman sukatan ang pagbati sa pagkakaroon ng matibay na pagkakaibigan.

Ilibre mo na lang sa Yellow Cab 'yung mga bumati sa'yo. ;)

Lunes, Mayo 16, 2011

Pera, kwarta, salapi, atik, etc.

Nakuha ko na sa wakas ang aking unang sweldo nu'ng isang linggo. Yes! Woohoo!

Hindi naman kalakihan ang nakuha ko. Siguro pwede na 'kong makabili ng isang Adidas bag sa halagang iyon. O kaya isang sako ng Corn Bits ('yung spicy hot apoy flavor kasi masarap). Hindi siya 'yung halaga na tipong makakapag-around the world ako. O kaya makakabili ng house and lot sa Wack-wack. Pero pakiramdam ko, sa halagang nakuha ko, para akong nakahiga sa pera. Para akong nanalo sa lotto. Para akong nakapag-asawa ng pulitiko. Sa tanang buhay ko kasi, ngayon lang ako nakahawak ng ganoong halaga ng pera, pera na masasabi kong akin. Akin. AKIN!

Sa unang sweldong nakuha ko, balak kong bumili ng mga damit sa Forever 21. O kaya bumili ng mamahaling makeup sa Rustan's. O bumili ng mga librong matagal ko nang gustong bilhin. O mag-eat-all-you-can sa Matsuri o Yakimix. O kumain sa Bizu. O uminom ng roasted milk tea sa Happy Lemon. O mamasyal at bumili ng kung anu-ano sa Mercato Centrale. O bumili ng 2NE1 ticket para sa concert nila sa June 4.

Pero habang tumatagal, habang nag-iisip ako ng pwedeng pagkagastusan gamit ang sarili kong pera galing sa pag-i-intern ko, tila lalo akong tinatamad gumastos. Parang ayoko nang gastusin ang pera ko. Pinaghirapan ko ang kinita ko, tapos isang tapak lang sa mall o sa restawran, ubos agad ito. Habang nililista ko ang aking mga luho, napag-isip-isip kong mahirap nga talagang kumita ng pera. Pero mas mahirap kumita ng pera AT gastusin ito sa mga luho pagkatapos.

Sana bigyan ako ng raise.