Biyernes, Setyembre 23, 2011

Comfort Zone

Hindi ako pumasok kanina sa school. Hindi dahil sa sumama ako sa Mendiola, kundi dahil tinamad lang akong pumasok.

Alam ko, alam ko. Napakababaw na dahilan 'yun. At marahil nakakainsulto sa ibang mga estudyanteng walang panghihinayang lumiban ng klase para lamang ipaglaban ang budget ng state universities. Inaamin ko naman eh, wala akong hilig magsasama sa mga rally. Inaamin ko, hinding-hindi ako magwo-walk-out sa mga klase ko dahil ayaw kong maka-miss ng lesson sa mga asignatura ko. Inaamin ko, kapag may mga estudyanteng pumapasok sa klasrum namin upang manghikayat na ipaglaban ang ganito, ganyan, hindi ako nakikinig dahil iniisip ko kung paano ko gagawin 'yung lab exercise namin sa major. O kaya kung ano ang kakainin ko kapag free time ko na. Inaamin ko, hindi ko iniintindi 'yung mga isyu na pinaglalaban ng mga kapwa ko mag-aaral dahil mas concerned ako sa progreso ng career ni Coco Martin. O kaya ng mga nangyayari sa mga paborito kong Kpop groups.

Oo na, isa na akong walang pakialam na iskolar ng bayan. Pero may aaminin pa ako: mabigat sa loob ko ang hindi man lang maging isang matapang na iskolar ng bayan. Pero sa kabila nito, hindi ko talaga kaya ang pumunta sa kalye at doon lumaban, sumigaw, o mag-planking. Duwag ako. Takot. Doon sa pamosong cheer na "Matatapang! Matatalino!", kalahati lang niyan ang mayroon ako. At alam mo na siguro kung alin diyan ang meron at wala ako.

Pasensya na, Pilipinas...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento